'Karelasyon Halloween Specials' presents 'Sapi'
Walang kahilig-hilig sa pag-aaral ang itinuturing na “black sheep” ng pamilya na si Kristy (Sanya Lopez).
Bukod sa hindi siya nabiyayaan ng katalinuhan ay sadyang iba ang kanyang hilig --- ang pagsasayaw. Pangarap ni Kristy ang maging isang dancer at ang mapanood sa TV. Samantalang ang Kuya Lester niya (Martin Del Rosario) naman ay nag-aaral ng medisina.
Isang kababalaghan ang mangyayari sa eskwelahan nina Kristy na magbibigay ng ideya sa kanya kung paano mabilis na matatakasan ang mga responsibilidad na ipinipilit sa kanya ng kanyang pamilya.
Sa planong ito, hindi lang niya lolokohin ang kanyang ina, mga guro at ka-eskwela, idadamay rin niya ang alaala ng kanyang amang pumanaw na.
Ang makakadiskubre nito --- walang iba kundi si Lester na hindi niya itinuturing na kuya kundi isang kumpitensya sa atensyon at pagmamahal ng ina (Daria Ramirez).
Maging huli na kaya ang lahat bago itigil ni Kristy ang kanyang masamang plano? Sa kanyang pagkukunwari, anong lagim ang aakitin niya?
Ito ang ikatlong kuwentong kababalaghang na tampok sa month-long Halloween Special ng Karelasyon.
Pagbibidahan nina Sanya Lopez, Martin del Rosario at Daria Ramirez. Mula sa panulat ni Michael Christian Cardoz at direksyon ni Paul Sta. Ana.
Mapapanood ang Karelasyon kasama si Ms. Carla Abellana tuwing Sabado pagkatapos ng #Like.