Kapatid ni Maritoni Fernandez, pinatay; sangkot sa iligal na droga
Napatay ang kapatid ni Maritoni Fernandez na si Aurora Moynihan na diumano’y sangkot sa iligal na droga.
Napatay ang kapatid ni Maritoni Fernandez na si Aurora Moynihan na diumano’y sangkot sa iligal na droga.
Sabado, September 10, ng madaling araw nang matagpuan ang katawan ni Aurora sa Temple Drive, Barangay Ugong, Quezon City. Kasama nito ay ang placard na may nakasulat na “Drug pusher ng mga celebrities.”
Ayon sa ulat ng 24 Oras, taong 2013 ay nahuli na si Aurora ng Southern Police District sa kanilang ginawang drug operation sa Taguig. Kasamang naaresto noon ni Aurora ang isang sindikato ng iligal na droga. Gayunpaman, nakalaya siya matapos magbayad ng piyansa dahil bailable ang reklamong isinampa sa kanya.
“Itong grupo ngang ito ay kinonsider na malaki noong panahon na ‘yun and kasama itong si Moynihan doon sa grupo. With this revelation eh masasabi natin talagang well-established ‘yung kanyang involvement and for other cases, may mga reports tayo pero it needs validation,” ayon kay Quezon City Police District (QCPD) Director, Senior Superintendent Guillermo Lorenzo Eleazar.
Ngayon ay inaalam ng QCPD kung may parokyano at suking showbiz personalities si Aurora.
“Wala naman tayong sinisino-sino. Pinakamaganda, sumurrender para makatulong sila sa atin magbigay ng kaalaman, impormasyon saan galing doon and matulungan natin sila,” pahayag ni P/Sr. Supt. Eleazar.
Umaasa rin daw ang QCPD na mas mabibigyang-linaw ang pagpaslang kay Aurora oras na makuha ang kopya ng CCTV footage mula sa isang bahay malapit kung saan nakita ang bangkay ng biktima.
“Nakunan naman daw, nakunan ‘yung harapan. We’re hoping na malinaw ito and then we could get leads from these footages. This will be sent, will be submitted to the PNP anti-cybercrime group for digital forensic examination,” wika ni P/Sr. Supt. Eleazar.
Patuloy ding sinisiyasat ang cellphone ni Aurora para malaman kung sino ang huling nakausap niya bago mapatay. Una na raw sinabi ng QCPD na hindi kasama sa kanilang drug watch list si Aurora.
Umaga noong Lunes, September 12, nang i-cremate ang labi ni Aurora. Tumangging magbigay ng pahayag si Maritoni at humingi ng privacy sa pagpanaw ng kanyang kapatid.
Video courtesy of GMA News