Vina Morales at anak, nakaranas daw ng trauma dahil kay Cedric Lee
Naluluhang ibinahagi ng aktres kung papaano siya trinato ng kanyang dating nobyo.
Kasabay ng kanyang paghiling na matigil na ang visitation rights ni Cedric Lee ay ang pag-amin ni Vina Morales na nakakaranas siya ng pambu-bully mula sa ama ng kanyang anak.
Ani Vina, linabag ni Cedric ang itinakda ng korte tungkol sa pagbisita ni Cedric sa kanyang anak. Habang nasa Geneva, Switzerland daw kasi ang singer-actress, binisita at ipinasyal daw ni Cedric ang kanilang anak at nanatili sa kanyang poder ng siyam na araw.
Ayon sa ulat ni Nelson Canlas sa 24 Oras, May 23 na ng nakabalik sa kanyang pamilya ang kanyang anak. Hiling din daw ni Vina sa korte na dumaan sa psychological test ito dahil nagka-trauma raw ang bata matapos hindi pauwiin sa bahay ng kanyang ina.
Wika ni Vina, “I don’t talk to him na po. It’s been years kasi unang una, nagka-trauma din ako eh. Sa edad kong ito, nagka-trauma ako sa all these years na pambu-bully niya sa akin.”
“Matapang ako, pero ayaw ko ng away. Ayaw ko ng gulo, umiiwas ako dyan. Pero alam mo ‘yung taong kinukutusan ka araw-araw, binu-bully ka, matuto kang lalaban eh. Matututo kang lumaban, at baka mas matapang pa sa’yo ‘yun pag lumaban,” patuloy niya.
Itinanggi naman ng kampo ni Cedric ang mga pahayag ni Vina.
Sambit ni Atty. Ricardo Moreno, legal counsel ni Cedric, sa phone interview, “Nagbakasyon ‘yung mag-tatay. Nagpunta sila sa farm. Nag-horseback riding, nag-fishing. Nag-enjoy pa nga [‘yung bata] together with the neighbors nila na bata, naglalaro. Kaya nga kami, we really don’t know kung saan nanggagaling ‘yung [sinasabing] trauma because the pictures speak for themselves.”
“We’re also filing today, a motion to cite Vina in contempt. Kasi for the last two Saturdays, hindi niya pinahiram ‘yung bata. Wala hong visitation na nangyari,” dagdag din ni Atty. Moreno.
Ayon kay Judge Cesar Sulit ng San Juan Regional Trial Court, hindi niya pinayagang manatili sa poder ni Cedric ang anak ng lalabis sa itinakda ng korte. Dahil sa paglabag na ito ay ipinagmulta si Cedric ng Php6,000 at pinapasumite ng detalyadong account sa siyam na araw. Ito raw ang magiging batayan kung nakaranas nga ng trauma ang bata.