Kris Bernal, nahihirapan nang kumawala sa role niyang bilang Tinay
Hindi lang daw sa bahay nadadala ni Kris ang character kung 'di sa kahit saan siya pumunta.
By AL KENDRICK NOGUERA
Mahirap gampanan ang role ng isang taong mayroong intellectual disability kaya't ibinigay ni Kris Bernal ang kanyang 100 percent para rito. Kaya lamang, dahil daw sa pagiging focused niya sa character niyang si Tinay sa 'Little Nanay,' nahihirapan na raw siyang ibalik si Kris.
"Nahahawa na rin talaga ako sa ugali ng isang bata. Naiuuwi ko siya. Minsan nga nire-remind na 'ko ng family members ko na 'uy wala ka sa trabaho'," bahagi ni Kris.
WATCH: Tinay answers questions from netizens
Ayon kay Kris, nahihirapan na siyang kumawala sa paraan ng pagsasalita at reaksyon ni Tinay sa mga bagay-bagay. "Kasi minsan nali-lisp ko pa rin 'yung words ko eh, 'yung [letter] s. Tapos minsan kapag masayang-masaya ako sa bahay, pumapalakpak ako, yehey! Gumaganoon ako," natatawa niyang sambit.
Hindi lang daw sa bahay nadadala ni Kris ang character kung 'di sa kahit saan siya pumunta. "Ang weird kasi everytime na tinatawag akong Tinay, siyempre babati ako 'di ba. Pero 'yung pag-hello ko, parang Tinay talaga lalo na kapag mga bata 'yung lumalapit sa 'kin," ani Kris.
Dagdag pa niya, "Natutuwa ako kasi sobrang love ko 'yung mga bata. Mahilig ako sa bata. Alam mo 'yung nakakatuwa na lahat sila [ay] nakakapit sa 'kin tapos parang ayaw na nilang kumawala. Tapos 'pag nagha-hi ako, parang bata na rin ako."