Filtered By: Showbiz News | News
Andrea Torres, pinaghirapang makuha ang role sa ‘Sana ay Ikaw na Nga’
Published On: August 24, 2012, 12:00 AM
Updated On: August 19, 2020, 04:39 AM
Isang masayang-masaya na Andrea Torres ang nakaharap ng press noong August 23 sa press conference ng Sana ay Ikaw na Nga na ginanap sa Excess Superclub. Ito ang pinakabagong afternoon prime offering ng Kapuso network na pagtatambalan nina Andrea at Mikael Daez.
Isang masayang-masaya na Andrea Torres ang nakaharap ng press noong August 23 sa press conference ng Sana ay Ikaw na Nga na ginanap sa Excess Superclub. Ito ang pinakabagong afternoon prime offering ng Kapuso network na pagtatambalan nina Andrea at Mikael Daez.
“Para akong bata pagpasok ko kanina, nakita ko yung mga pictures namin. Nakakatuwa lang kasi every time na may show ako dati, hinahanap ko yung picture ko. Ngayon pagpasok ko, kami yung nandun sa gitna. Ang sarap ng feeling,” pambungad na kuwento niya.
Hindi naging madali para kay Andrea na maabot ang tagumpay na tinatamasa niya ngayon. “One thing that I’m proud of is kung ano man po ang binigay sa akin na mga blessings, talagang masasabi kong I earned it. Pinaghirapan ko yun, ilang taon na rin naman ako sa showbiz, at marami naman na akong natutunan sa mga ilang taon na yun. Kumbaga, I made the most out of it,” she shares.
Ang mga natutunan niyang ito ang gagamitin niya sa pagbibigay buhay sa kanyang dual role. “Yung mga experiences na yun, dinala ko yun para magampanan ko ng maayos yung role bilang Cecilia at Olga. Pinaghirapan ko ‘to, hindi siya binigay ng madalian,” paliwanag niya.
Kinamusta rin ng media ang taping ng nasabing show, at mayang ibinalita ni Andrea na maayos naman ang kinalalabasan ng kanilang mga eksena. “It went smoothly naman kasi para kaming team. Si Direk [Dick Lindayag] lagi niya kaming kinakausap. Tapos kung may big scenes siya [Mikael], nakabantay ako, kung may big scenes ako, nakabantay rin siya. Parang tinatanong ko siya kung ‘Okay ba ko?’ tapos ganun din siya sa akin.”
Dagdag pa niya, “Very consistent ang show na ito, lagi kaming sinu-surprise. First scene namin, kissing scene na naman kaagad. Laging may malaking pasabog.”
Nang tanungin kung ano ang gusto nilang ma-achieve sa napakalaking proyektong ito na ibinigay sa kanila, ito ang naging sagot ng bagong Cecilia Fulgencio. “Definitely mag-iisip kami ng ways para yung mga tao have something new to look forward to. Maasahan nila yun samin. We will be doing a lot of firsts, we’ll be doing big steps in terms of our career.”
Nagpapasalamat din siya sa suporta na ipinakita nina Dingdong Dantes at Tanya Garcia, ang unang Carlos Miguel at Cecilia, sa remake ng top-rating teleserye. “Napakalaki ng respeto namin sa kanya [Dingdong]. Isa siya sa mga artista na nakita mo talagang nagsumikap. Kung saan man siya ngayon, nakita mo yung proseso,” says Andrea.
Hindi rin naiwasan ng dalaga na ma-starstruck nang makita at makausap si Tanya Garcia. “Kahapon dumating siya. Nakaka-starstruck kasi siya yung original Cecilia. Ang sarap nung feeling na formally niyang in-endorse na ako na magpe-play ng role niya. Nakakaiyak,” she says with a smile.
Abangan ang pagganap ni Andrea Torres bilang Cecilia Fulgencio sa Sana ay Ikaw na Nga, ngayong September 3 na sa GMA Afternoon Prime. - Michelle Caligan, GMANetwork.com
Trending Articles