Filtered By: Showbiz News | News
Joe Torres: Ligawan at Eleksyon
Published On: April 2, 2007, 12:00 AM
Updated On: August 17, 2020, 07:53 AM
Parang ligawan ang eleksyon. Minsan masaya. Minsan maingay. Minsan magulo. Minsan makulay.
Parang ligawan ang eleksyon. Minsan masaya. Minsan maingay. Minsan magulo. Minsan makulay. Minsan mahirap patunayan ang wagas na pagmamahal. Maraming pangako. Madalas marami ang nakakalimutan pagkatapos makuha ang sinusuyo.
Sa panahon ng ligawan, langit at lupa ay handang pag-abutin. Pati buwan at bituin gustong pitasin mapasagot lamang ang ginigiliw. Subalit 'pag nagkasundo na, 'pag nakuha na ang nais, 'pag 'di wagas ang pag-ibig, pagdating ng kabuwanan, pagkatapos magkabuntisan, pati anino gustong pagtaguan.
May mga pagkakataon na nalilimutan na ang buwan at bituin, kailangan na kasing kumayod - may upa sa bahay na dapat babayaran buwan-buwan, may gatas ng batang dapat pagkakagastusan, may diaper na bibilhin dahil ayaw maglaba ng lampin at may binyag na binubuhusan ng karangyaan ang handaan dahil pampaswerte umano sa bagong silang.
Parang eleksyon. Nalilimutan ng maraming kandidato ang mga pangako pagkatapos maupo sa puwesto. Matapos ang mala-piyestang miting de avance at proclamation rally, tapos na ang lahat, parang basahang naiiwan sa pusalian ang mga botanteng nabola ng mga nahalal na kinatawan.
May mga ilan namang tumutupad sa usapan. Pero madalang pa sa patak ng ulan sa tag-araw ang kanilang bilang. Taos ang kanilang pagmamahal at tagos sa kaibuturan ng puso ang pagtupad sa mga pangako. Sa gitna ng kahirapan, pilit na iniluluwal ang pagsisilbing tunay sa pamamagitan ng sipag, tiyaga at marubdob na pagsisilbi sa masa.
Habang nanliligaw sa atin ang mga pulitiko at sa darating na halalan sa Mayo, huwag sana tayong magpadala sa matatamis na salita, sa mga makukulay na bulaklak na iaalay at sa luhong ibibigay ng mga nagkukunwaring tunay ang kanilang pag-ibig. Hindi sa kanila ang ating mga puso, kaya huwag nating basta isuko na lang ang ating pagkatao.
Bumoto ng may tamang kaalaman. Mag-isip bago isuko ang bandera ng Bataan, ika nga.
Tulad ng relasyon, kinabukasan natin ang nakasalalay sa darating na eleksyon. Tulad sa pakikipagtalik, mag-ingat sa "casual sex." Mahirap ang panahon ngayon. Maraming nagkakasakit dahil 'di nag-iisip. Mabigat na pasanin ang pagpapamilya lalo na kapag talipandas ang mapapangasawa. Kaya huwag magpadala sa init ng puson. Huwag magpadala sa ilusyon na, dito sa ating bayan, ay kadalasan singkahulugan ng eleksyon.
Read more from Joe Torres!
Trending Articles